Tungkol sa Kamatayan [01]

Kamatayan ang hangganan ng buhay. Kamatayan din ang simula ng bagong buhay.

‘di ko alam kung bakit tungkol sa kamatayan ang gusto kong isulat ngayon sa malamig na oras ng umaga. Ngunit, kahit anong rason pa man ay aking ipapatuloy ang pagbabahagi ng aking naiisip tungkol sa kamatayan.

Kamatayan ang katapusan, ating mapapansin, kung ang batayan nito ay ang buhay ng bawat nilalang. Natatapos ang buhay at kamatayan ang tawag dito. Ngunit, hanggang saan ang hantungan? Ito ang tanong na ‘di natin masasagot pagkat limitado lamang ang ating kaalaman sa buhay. Ang atin lamang hawak ay ang katotohanan na tayo ay humihinga at bukas, makalawa, o sa panahon na ‘di natin alam, bigla na lamang tayong mawawala. Ang katotohanan na ito ay masasabing ang nag-iisang katotohanan sa patutunguhan ng buhay.

Ang panahon natin sa mundo ay ‘di tiyak kung ating papansinin. Ang sanggol na umiiyak ngayon pagkalipas ng ilang mga taon, tatanda at lilipas rin. Ito ang natural na proseso ng buhay. Ngunit, mayroong iba na ‘di sinusunod ang prosesong ito. Bigla na lamang naglalaho sa isang iglap. Ang buhay ngayon, sa isang kisapmata, kamatayan na ang kaharap.

Kamatayan ang katotohanan ng buhay. Isang nakatatakot na realidad ng buhay pagkat kinakain nito ang bawat pangarap ng buhay. Nilalagyan nito ng hantungan ang bawat nais ng isang nilalang. Tinatapos nito ang katotohanan [ng katotohanan]. Kaya minsan natanong ko sa aking sarili, may saysay pa ba ng buhay?

Pinag-aaralan natin ang kasaysayan ng bawat lugar, tao, panahon, gamit, at iba pang mga bagay-bagay ngunit ‘di natin alam kung ang kasaysayan na ito ay may saysay talaga sa hantungan ng buhay. Itinuturo sa atin ang bawat detalye ng nagdaan upang maging handa tayo sa hinaharap na alam naman natin na hinaharap na natin ang kamatayan. ‘Di ba totoo? Isa lang ang ating hinaharap: kamatayan. Bagaman ito ang katotohanan patuloy pa rin tayong nabubuhay, dahil, sa ating pagpatuloy sa buhay alam natin na hindi ang katapusan ang ating hinaharap, kundi ang bawat panahon na nagdadaan. Patuloy tayong nangangarap.

Libre lang mangarap dahil ang puhunan nito ay sariling buhay lamang. Ngunit kung iisipin natin ng malalim, ito rin ay maglalaho, pero ito ay maiiwan at patuloy na manantili sa bawat naiwan sa katotohanan ng buhay.

Ang paglipas ay sadyang ‘di maiaalis. Ngayon ako ay nagsusulat, bukas, makalawa, iba na naman ang aking gagawin at sa dulo nito ako rin ay mawawala gaya ng mga taong nagdaan sa kasaysayan ng buhay. Ang buhay kung pagninilayan ay isa lamang daan, tungo sa isang ‘di tiyak na katotohanan: bagong buhay. [Ito’y isang pagaasa sa mga naniniwala] Bagaman ‘di tiyak ito na ang pinakamainam na pag-asa dahil ang buhay ay walang saysay kung walang patutunguhan.

Ang wakas ang katotohan ng buhay. Gayunpaman, ang takot at pag-aalinlangan sa buhay ay natural dahil ito ay kasiping na sa pagpunta sa dulo ng buhay. Alalahanin ang buhay ay ‘di tiyak, tayo lamang ay naghihintay, at ang paghihintay ay isang galaw na walang ginagawa, kaya bago mahuli ang lahat, ipadama ang pag-ibig sa bawat minamahal, gumawa ng saysay na magiging kasaysayan ng buhay,  tangkilikin ang tunay na nagbibigay buhay, dahil, kapag dumating na hangganan, bago na ang buhay at ito ang kamatayan.

 

N.B.: orihinal, at hindi pa nawasto. ito’y biglaang pagsusulat lamang. isang katha sa oras na ‘di makatulog

Kung Pag-ibig

Kung pag-ibig ang dahilan,
ito’y ipaglalaban.
Kung iba ang karanasan,
bigla na lng iiwan.
Kaya, isipin, damhin, ipagpatuloy
kung totoong pag-ibig man
ang nararamdaman.

Kung pag-ibig. . .

Kung pag-ibig,
ang katotohanan,
ikaw ang may hawak,
ikaw rin ang katotohanan.

Lumipas

Sa pagdaan ng bawat sandali, aking ikinukubli,

ang alaala ng kahapon, ang lumipas na pagkakataon.

Puro “sana” ang bukang-bibig ko ngayon, dahil ‘di ko ninais ang lahat.

“Sana” umaawit ako ngayon, kasama ang aking sinta.

Ngunit, lumipas na ang lahat, dalawang taon ang nagdaan,

Nasaan ako ngayon? Sa panahon ng kasawian.

Alam ko ‘di na maibabalik ang lahat, pagkat nangyari na ang nagngyari,

Totoo ba talagang may muling pagkakataon? Dahil sa ngayon, tumigil na ito sa pag-alon.

Lumipas na ang buhay, ako’y nanatiling bukas ang mata na isang bangkay.

Kaya, aanhin pa ang ngayon kung ang buhay ko ay nasa kahapon?

Ang paglipas ay panigbagong simula, kung nasa palad ko ang liwanag.

Ngunit, ‘di ko ito hawak, kaya ngayon, mananatili na lamang sa pnahon na matagal ng lumipas.

Panahon

Sabi ni Pascal:

Pamamaraan natin ang nakaraan at kasalukuyan, kinabukasan ang laging nilalayon. Kaya hindi kailanman tayo nabubuhay, ngunit umaasa lamang na mabuhay, at lagi nating binabalak maging maligaya, hindi maiiwasang hindi ito kailanpaman mangyayari.

Saglit

Saglit ang minsan
sa buhay ng iba.
Ngunit, kung iisipin
saglit ang buhay na malaya.
Nang minsan nga,
ay nangarap ako,
na sana ang saglit,
ay tuluyan ng maglaho.
Mapalitan sana ito,
na isang mahabang panahon,
na sana ang saglit,
ay maging kahapon.

Saglit ang minsan,
sa buhay ng iba.
Ngunit para sa’kin
saglit ang panahon,
na kasama ka.
Saglit ang minsan,
na kasama ka.
Minsan saglit rin
itong katotohanan,
na mangarap na kasama ka,
kahit saglit,
kahit saglit lang.

Kung Pag-ibig

Kung pag-ibig ang dahilan,
ito’y ipaglalaban.
Kung iba ang karanasan,
bigla na lng iiwan.
Kaya, isipin, damhin, ipagpatuloy
kung totoong pag-ibig man
ang nararamdaman.

Kung pag-ibig. . .

Kung pag-ibig,
ang katotohanan,
ikaw ang may hawak,
ikaw rin ang katotohanan.

Minsan

Minsan gusto kong abutin,
ang langit at mga bituin.
Minsan gusto kong lumipad,
lumutang sa himapapawid.
Bakit?
Upang makita, at makasama ka.
Ikaw na nasa langit, ikaw na isang bituin, ikaw na pangarap, ikaw na buhay.
Minsan sana mating katotohanan, minsan sana hindi na minsan.